Kasama din to sa naipublish sa RUBIK MINDS. Nung December ko pa ito naisulat.
Paano nga ba ipagdiriwang ng mga nasalanta ng kalamidad ang Pasko? Magiging masaya pa rin kaya ito para sa kanila? Katulad pa rin kaya ito ng Pasko na nakagawian nating mga Filipino?
Nakagawian na nating mga Filipino ang maghanda tuwing nalalapit na ang Kapaskuhan. May “Christmas Tree” na nilalagyan natin ng iba’t ibang palamuti at pasabit. Isama pa ang medyas na nilalagyan ni Santa Claus ng regalo gabi gabi. Mga naggagandahang parol na sinasabit natin sa ating bintana at pinto upang lalong magbigay ng ganda sa ating tahanan. Iba’t ibang kulay ng “Christmas Lights” na siyang nagbibigay ng liwanag sa mga kalsada at ating mga bakuran.
Mahalaga sa ating mga Filipino ang pagsasalu-salo ng buong pamilya sa Noche Buena. Di mawawala ang hamon na nakagawian na nating ihanda. Ang puto bumbong at bibingka sa hapag-kainan na madalas din nating makita sa labas ng simbahan tuwing simbang gabi. Ang keso de bola na masarap ipalaman sa mainit na pandesal at isawsaw sa mainit na tsokolate. Ang pansit na pampahaba ng buhay ay di rin nawawala sa ating hapag.
Sa pagsapit naman ng araw ng Kapaskuhan, karamihan sa atin ay may bagong damit at sapatos. Sabik tayo pumunta sa mga ninong at ninang natin upang magmano at batiin sila ng “Maligayang Pasko.” Higit sa lahat, sabik tayo na buksan ang ating mga regalo galing sa kanila gayon din ang mga aginaldong mula sa ating mga magulang at kaibigan.
Ang araw ng Pasko ay siya ring araw upang magsama-sama ang buong pamilya. Ito ang pinakamagandang pagkakataon na makasama natin sila sa pagsimba at sabay-sabay na magpasalamat sa Panginoon dahil isinilang si Hesus para sa atin. Ito din ay maituturing na pinakamahalaga at pinakamasayang araw para sa lahat.
Masaya nga ba ang lahat?
Sa nagdaang buwan, ang ating bansa ay sinalanta ng kalamidad tulad ng mga bagyong Ondoy at Pepeng. Labis ang pagsalanta nito sa ating bansa at sa marami nating kababayan. Marami ang nawalan ng tirahan. Marami rin ang nawalan ng mga mahal sa buhay.
Ito na marahil ang malungkot na Pasko para sa mga taong lubos na naapektuhan ng kalamidad. Saan na nila isasabit ang mga parol kung wala na silang tahanan? Wala na ang mga patay sinding “Christmas Lights” na nagsisimbolong liwanag sa kanilang buhay. Ang dating pagsasalu-salo ng buong pamilya ay mapapalitan ng kalungkutan--kalungkutan na babalot sa buong gabi dahil sa mga nawala nilang mahal sa buhay. Ang dating hamon, keso de bola at ibang msasarap na pagkain na noon ay kanilang pinagsasaluhan ay napalitan ng mga lata ng sardinas at noodles (relief goods). Kung dati ay may bagong damit sila na sinusuot tuwing Pasko, ngayon ay lumang damit na lamang galing sa donasyon ang kanilang maisusuot dahil kasama sa nasalanta ang kanilang mga damit at kagamitan.
Sa kabila ng nangyari sa ating bansa at sa pagdaan ng kalamidad sa ating buhay, di natin kailangan masadlak sa kalungkutan. Di natin dapat ipagsawalang bahala ang Pasko. Panatilihin at sariwain pa rin natin ang tunay na diwa nito. Wala sa masasarap na pagkain na nakahain sa mesa, bagong damit at mga regalo ang pagdiriwang ng Pasko. Mahalaga lang ay ipagpasalamat natin sa Diyos ang lahat ng mga biyaya na natatanggap natin sa araw-araw. Huwag tayo mawalan ng pananalig sa Kanya dahil sa mga pagsubok na ating kinakaharap. Bagkus, magpasalamat tayo dahil sa mga pagsubok ay nagiging matatag tayo at iyon ang nagtuturo sa atin sa pagharap sa mga panibagong hamon ng buhay. Patuloy pa rin ang buhay dahil si Hesus ay buhay na ipinagkaloob sa atin upang tayo ay maligtas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment