Kasama na sa buhay ng tao ang pagkabigo, pakikipagsapalaran, tagumpay at pagsisikap. Tulad sa isang trabaho at buhay manggagawa. Di maiiwasan ang kompetisyon, iringan at inggitan. Andyan yung sisiraaan ng isang kaopisina ang isa nyang kaopisina para lang yung isa ang mapuri. Meron naman na sa paghahangad ng mas mataas na posisyon gagawa pa ng kwento para lang masira ang taong kakumpitensya. Meron naman na para umangat ay magdudunung dunungan kahit wala namang alam. Nariyan pa yung kahit di naman tinatanong sa isang proseso ay magpriprisinta kahit na nagmumukha syang katawa tawa dahil di naman talaga nya alam ang ginagawa nya.
Di lingid sa kaalaman naten na lahat tayo naghahangad umangat. Nangangarap tumaas ang posisyon at kahit itanggi naten at sabihing di pera ang dahilan ay gusto naten ang sumahod ng malaki. Kaya tayo nagtratrabaho para kumita. Magkaron ng pera na ipang tutustos naten sa mga pangangailangan naten sa araw araw. Lahat ng pagsisikap ay ginagawa naten di para sa sarili naten kundi para sa mga mahal naten sa buhay.
Maswerte na tayo kung tayo’y kumakain ng tatlong beses sa isang araw. May trabaho at sumasahod ng sapat lang. Kung minsan nakakatamad na rin pumasok sa trabaho. Nakakasawa na rin ang paulit ulit mong ginagawa sa araw araw na tila ba natitigil na ang iyong kaalaman sa pagdiskubre ng ilang mga bagay bagay sa iyong paligid. Gustuhin mo mang humanap ng mas magandang trabaho at kumita ng malaki, minsan naiisip mo ang mga kasama mo sa trabaho. Mahirap din kasi mahanap ang totoong samahan. Samahan na sa kabila ng hirap ng trabaho naiibsan ang pagod at napapalitan ng kaligayahan. Minsan naiisip mo din na “Kung lumipat ba ako tatagal ako sa kumpanyang lilipatan ko?.” Kung minsan nakakatamad din ang maghanap ng trabaho dahil pagdadaanan mo nanaman ang simula sa “exam” “initial interview” at “final interview”. Sa dami ng naghahanap ng trabaho ngayon marami ang iyong kasabayan. Madalas pa di ka aabutin ng “final interview” Nariyan pa yung “Tatawagan ka nalang kung nakapasa ka” tapos isang buwan na wala pa ring tawag ang natatanggap.
Kahit na may matino tayong trabaho ay di pa rin tayo nakukuntento sa kung ano ang meron tayo. Kahit na anung gawin nating pagsisikap ay di pa rin tayo umaangat angat sa buhay. Kahit alam nating pinakita na nating lahat ng pagsisikap natin at pagmamahal sa trabaho ay tila kulang pa rin saten ito. Yung tipong sa tingin mo karapat dapat ka naman sa tagumpay na inaasam mo ngunit di ka pa rin mabigyan ng parangal. Kung sino pa ang sa tingin mo na di karapat dapat ay syang nakangiti ngayon at nakaluklok sa pedestal. Ngunit ganun talaga ang buhay. Sa tingin mo na naipakita mo na lahat at ginawa mo ang lahat ng iyong nalalaman at alam mo na naibahagi naman ito sa iba tila wala pa ring saysay ang lahat. Imbis na magreklamo ka at maghanap ng mga kasagutan sa iyong mga agam agam ay mas pinipili mo nalang ang manahimik at maghintay. Ngunit hanggang kelan ka maghihintay? May hinihintay ka ba? O naghihintay ka lang sa wala?
Yan ang mukha ng buhay manggagawa. Minsan nasa itaas ngunit madalas nasa ibaba. Kung gusto mo talagang magtagumpay kailangan mo doblehin ang pagsisikap. Ipakita mo sa sarili mo at sa ibang tao na di ka talunan. Huwag titigil sa pag abot ng pangarap. Libre ang mangarap ngunit di puro pangarap nalang. Di puro salita, bagkus kelangan din ng gawa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment