Wednesday, August 19, 2009

Makasalanang mga Mata

Bakit ba wala ako sa wisyo magsulat? Wala akong maisip na paksa. Walang pumapasok sa isip ko. Tila di gumagana ang utak ko. Nakakainis! Pano ka ba naman makakapag sulat ang iingay ng mga tao sa paligid ko. Puro bulong ng mga bibig ang naririnig ko. Kanya kanyang kwentuhan. Kanya kanyang ingay. Kanya kanyang paksa. Takatak ng keyboard, ingay ng radyo at maging pagkanta na wala sa tono ng mga tao sa paligid ang naririnig ko. Ganito ba ang epekto pag walang project? Pag walang trabaho?


Kanya kanya kami ng pagpapanggap. May kunwaring seryoso yun pala nagpapakadalubhasa lang sa paglalaro ng bejeweled. Meron namang kunwaring nagbabasa ng specifications ng project yun pala mahimbing na sa pagkakatulog. Ayos din sa istilo sa pagtulog ang isang kasamahan ko. Nakahawak pa sa mouse ng computer para di mahalata na nananaginip na sya.


Nakakainis ang tunog ng keyboard sa katabi ko na tila nilalaro lang kasi walang magawa. “Sino ba yun?” ang naiinis na tanong ko sa isip ko. Isa pa tong nasa tapat ko na panay padyak ng paa. Tumayo ako at tiningnan sya. May headset palang nakapasak sa basag na nyang tenga. Jusko! halos rinig ko na ang musika na pinapakinggan nya sa lakas ng volume nito. Para na syang si MJ (Michael Jackson) na kulang nalang tumayo at sumayaw. Ibang klaseng trip talaga ang isang ito.


Dalawang work station naman mula saken ang napansin ng makasalanan kong mga mata. Naku kakaloka! Nagpipintura pala ng kanyang mukha ang isang ito. Ang mukha ay parang patay sa kapal ng concealer. Ang pisngi ay halos parang sinampal na sa pula dahil sa blush on. Ang nguso ay parang mansanas na sa pula. Ang mga pilikmata ay parang kinulot sa pagkapilantik. Isa lang ang pinaka naka agaw ng pansin saken walang iba kundi ang ayos ng kanyang buhok. Tinalo pa nya si Imelda Marcos sa dami ng hair spray na nilagay nya sa buhok nito at kahit ata malaglagan ng butiki ay mamamatay sa tigas.


Tumayo ako upang magpunta sa palikuran upang umihe. Habang ako’y naglalakad sa hallway eto nanaman ang makasalanan kong mga mata. Jusme! Kanina pa kumakaen ang isang ito. Simula pagdating nya nakita ko na syang kumakaen. Sari-sari na ang nakain nyang kutkutin. Mani, crackers, biscuits at ngayon naman chocolates. Kulang nalang pati kanin eh dalhin na nya dito sa production area para kumaen.


Di ko na namalayan nasa palikuran na pala ako.Nakatuon kasi isip ko sa ka opisina kong yun.Humarap ako sa malaking salamin upang magsuklay.Akala ko sa pagtungo ko sa wash room ay di na magkakasala ang malilikot kong mga mata.Jusko po! bukas ang zipper ng babaeng katabi ko.Di ba nya nakikita sa salamin na nakabukas ang zipper nya?Pano nga naman nya makikita eh sobrang abala sya sa pagpindot sa keypad ng cellphone nya.Gusto ko sana sya sabihan kaso napansin kong nakakunot ang noo nya at mukhang mainit ang ulo nya dahil sa katext nya.Nakakatakot naman baka mabulyawan pa ko nito.Maya ko nalang sabihin bubwelo muna ako.


Pumasok muna ako sa cubicle para umihe.Pag labas ko ng cubicle wala na ang babaeng nakita ko.Naku! kasalanan ko pa ata na di ko nasabi sa kanya.Ah...bahala sya!Di nya ko hinintay na matapos umihe para masabi ko sa kanya na bukas ang zipper nya.Kasi naman isang damukal ang mukha nya kanina kaya di ko sya makausap para sabihin sa kanya na nakadungaw na ang bulaklakin nyang panloob.(wahahaha.kalokohan ko talaga.)


Bumalik ako sa work station ko upang ipagpatuloy ang pagsusulat ng walang kakwenta kwenta kong akda.Teka ilang minuto nalang pala at mag uuwian na.Hay...mabuti naman at uuwi na rin kame sa wakas. Isang araw na puro kalokohan nanaman ang lumipas.


Aba! Di ba wala ako sa wisyo magsulat?Tignan nyo nga naman!Gumana nanaman ang kalokohan ko.

No comments:

Post a Comment