Araw nanaman ng sahod. Ito ang araw na lage naming hinihintay ng mga ka opisina ko. Araw na lage naming tinititigan sa kalendaryo pag wala kaming magawa. Masaya ang lahat pag sumasapit ang araw ng sahuran, ngunit iba ito para samen ng mga katrabaho ko.
Kalbaryo ang araw ng sahod para samen. Tuwing sumasapit ang araw ng sahuran kanya kanyang hinaing ang naririnig ko. Sari-saring utang ang dapat bayaran. Pambayad sa upa sa bahay, hulog sa paluwagan, pambayad ng kuryente, pambayad sa utang sa load at maraming pang ibang utang na dapat bayaran.
Kumuha ako ng papel at lapis upang maglista ng mga dapat kong bayaran. Halos sumakit ang ulo ko habang iniisip kung pano ko pagkakasyahin ang sahod ko. Jusko! kulang pa pala ang sinahod ko sa mga babayaran ko. Abono pa pala ako. Daig ko pa ang pamilyado sa dami ng mga bayarin. Bakit kasi sa Laguna pa ko nakatira tapos sa Maynila ako nagtratrabaho. Pamasahe palang talo na ko. Bakit kasi ipinanganak akong mahirap? (emotera talaga ako).
Humirit pa tong mga kasamahan ko na mag inuman. “Tig iisang daan lang tayo. Isang bote lang tama na. Masayaran lang ng alak mga lalamunan naten” ang sabi ng kasamahan ko sa trabaho. Natawa nalang ako kasi kilala ko ang mga ka opisina ko. Di makukuntento ang mga yun ng isang bote lang. Imposible naman na isang daan lang ang magagastos namen. Wala pang pasok bukas kaya panigurado languan mangyayare mamaya. Lasing kung lasing. Ngayon nalang ulet kami makakalabas kasi lageng iniisip ang mga utang. Laging kulang ang sahod kaya di na magawang gumimik.
Bigla kong naisip, wala pala sa budget ko ang pang inom ko. Mukhang kukulangin ang sahod ko ah. Lintek kasi tong mga ka opisina ko. Nagyaya pang gumimik ang mga hayok sa alak na mga ito. Di naman pwede na di pa kakain bago uminom. Panira pa sa budget list ko. Kainis! Bahala na nga pag nag kulang ang pera ko. Mangungutang nalang ako sa coop. Jusko! utang nanaman. Mukha na kong utang.
kong naalala, mag aanak pa pala ako ng binyag. Di naman maaari na di ako magregalo. Kelangan ko rin ng pakimkim sa inaanak. Mamamasahe pa ko. Pagkalayo layo pa naman ng bahay ng kaibigan ko. Magkano din gagastusin ko dun. Bakit kasi ako pa ang kinikuha nilang ninang para sa mga anak nila. Di ba nila alam na napakakuripot ko. Di naman pwede ang tumanggi sa ganun. Malas daw yun.
“Putek na credit card yan oh tawag ng tawag. Makapagpalit nga muna ng sim. Ang kulit kulit sinabi ng wala pa ko pambayad eh.” Ang sambit ng isa kong ka opisina sa tabi ko. Nilapitan nya kami isa isa at binigay ang bago nyang numero. “Eto muna ang bago kong cell number. Tsaka na ko ulet magpapalit pag nakabayad na ko.” ang naiinis nyang bulong. Buti nalang tapos na ko sa putek na credit card nayan. Pinasara ko na ang account ko. Nakabawas din sa mga bayarin.
Sa likuran ko naman, kausap ng ka opisina ko ang isa ko pang ka opisina na magbabayad sa coop. “Di na muna ako maghuhulog sa contribution ha. Yung niloan ko na muna ang babayaran ko. Madami pa kasi akong utang na babayaran. Magbabayad pa ko ng credit card at ng iba ko pang niloan.” Ang inangal naman ng isa ko pang ka opisina. Akala nya siguro di ako nakikinig. Jusko! Tenga ko naman ang nagkasala. Teka! Kasalanan ko ba na matalas ang pandinig ko? Di lang pala mata ko ang nagkakasala pati pala ang tenga ko makasalan din.
“May bakante pa ba sa mga uutang sa coop?” ang tanong naman nung isa kong ka opisina. “Ipambabayad ko kasi ng equity ko sa bahay”. Eto nanaman! Utang nanaman ang narinig ko. Binging bingi na ko sa salitang UTANG. Nakakasakit na ng ulo. Halos lahat ata ng tao sa mundo may utang. Hay…Naalala ko nanaman ang sinabi ng ka opisina ko. HABANG MAY BUHAY, MAY UTANG!!!